Malabong magpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines kung hindi magdedeklara ang mga ito ng tigil-putukan. Ito ang pinanindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagdalo sa 17th Founding Anniversary ng Digos City noong Biyernes.
Buwan ng Hulyo nang ipatigil ni Pangulong Duterte ang peace talks matapos ang sunod-sunod na mga pag-atake ng New People’s Army sa mga militar at pulis. Kabilang na rito ang pag-atake sa convoy ng Presidential Security Group sa Arakan, North Cotabato.
Muli ring hinikayat ng Pangulo ang mga miyembro ng kumunistang grupo na sumuko na lamang sa pamahalaan at gagawin nya itong mga sundalo. Ngunit sa isang statement sa kanilang website sinabi ng NDFP na hindi katanggap-tanggap ang kundisyong ito ng Pangulo.
Ayon sa mga ito, naiwala na ng punong ehekutibo ang lahat ng moral grounds para magbigay ng demand ng hindi ito tumupad sa pangakong pakakawalan ang nasa 500 political prisoners sa kabila ng pagdedeklara ng npa ng 160 day-ceasefire noong Agosto.
(Janice Ingente / UNTV Correspondent)