PDEA Dir. Aaron Aquino, nanindigang may lamang shabu ang nakuhang magnetic lifters sa Cavite

by Radyo La Verdad | August 31, 2018 (Friday) | 1958

Nanindigan si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino na pinaglagyan ng iligal na droga ang mga nakuhang magnetic lifter sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez sa Cavite noong ika-10 ng Agosto.

Sa pagdalo ng opisyal sa pagdinig ng Kamara sa isyu kahapon, sinabi nito na dalawang beses na nag-react ang kanilang K-9 dog nang inspeksyunin nila ang mga lifter.

Sinuportahan naman ni PDEA Calabarzon Regional Director Adrian Alvariño ang pahayag na ito ni Aquino, pinatutunayan umano ito ng circumstantial evidence.

Tulad na lamang pagkakapareho ng pisikal na katangian ng mga nakuhang magnetic lifter sa Cavite na unang nadiskubre sa Manila International Container Port na naglalaman ng tatlongdaan at limampung kilo ng shabu.

Pareho umano ang mga ito ng cable, power supply at proseso ng pagtatago sa pamamagitan ng asbestos, foil at plastic.

Dinepensahan din ni Aquino ang umano’y pagnenegatibo sa iligal na droga ng nakuhang magnetic lifters sa Cavite.

Ayon sa PDEA, magbibigay sila sa Kamara ng resulta ng swab test.

Matatandaang una nang pinabulaanan ng Bureau of Customs (BOC) na pahayag ng PDEA na pinaglagyan ng 6.8 bilyon na halaga ng shabu ang mga nakuhang magnetic lifter sa Cavite.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,