Simula ngayon si Presidential Spokesperson Undersecretary Ernesto Abella na ang magbigay ng official statement ng Malakanyang hinggil sa mga maiinit na isyu.
Sa naging internal re-organization ang Presidential Communications Operations Office o PCOO, hindi na masyado magsasalita sa media si Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar dahil siya na ang mamamahala sa deparmental affairs ng PCOO.
Sa isang statement, sinabi ni Andanar na magiging punong abala na siya sa pagpapatakbo ng PCOO at attached agencies nito katulad ng Philippine Information Agency, National Information Bureau, at iba pa.
Inatasan naman si Usec. Abella na siya ang magpokus sa messaging at content ng mga press conferences at media releases ng kanilang opisina.
Ito ay matapos ang halos magkakasunod na tila conflict ni Sec. Andanar sa mga miyembro ng media.
Kagabi sa isang restaurant sa Pasay City, nagkita ang senate media at si Sec. Andanar, isang linggo matapos ang naging mabigat na akusasyon ng kalihim na inalukan ng 1000 US dollar ang mga senate reporter para i-cover ang press conference ni retired Police Arturo Lascañas patungkol sa Davao Death Squad.
Hindi inaasahan ng mga Senate media na darating ang kalihim sa dinner na pinamunuan ni Senate President Aquilino Pimentel III.
Sa kabila ng naging pahayag ni Pimentel, walang nag-komento at nagpatuloy lang sa pagtatanong ang mga reporter sa Senate President hinggil sa mga isyu.
Sa isang statement, sinabi ni Andanar na sumunod lang siya sa nais ni Senate President at naroroon lang kagabi bilang isang bisita.
Maaalalang nag-demand ng public apology ang Senate media kay andanar kung hindi nito mapatunayan ang akusasyon ng panunuhol.
Nanindigan naman ang kalihim na galing sa isang intel report ang kanyang impormasyon.
Maliban sa senate media, nauna na ring nagkaroon ng alitan ang kalihim sa Malacanan Press Corp, at nagkaroon rin ng sagutan sa isang reporter ng pahayagan habang nasa isang press conference sa Malacañan.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: Abella, Andanar, PCOO, Pres. Duterte