METRO MANILA – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na supply ng bigas sa bansa.
Pahayag ito ng pangulo matapos makipag pulong sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) sa Malacañang kahapon (April 13).
Sa isang panayam sinabi ng pangulo na hindi nagkukulang ang bigas sa bansa pero ang pinag-aaralan nila ngayon ay kung papaano makokontrol ang presyo nito.
Bukod dito ayon sa pangulo, ang nakikita nilang problema ngayon ay kakulangan ng buffer stock kaya plano nilang mag-import ng bigas para maparami ang buffer stock sa NFA.
“Yun lang ang nakita naming problema, mababa ‘yung buffer stock ng NFA. Kailangan bumili ‘yung NFA para umabot siya ng at least nine days na buffer stock. Ang problema, kapag sila ay pumasok sa merkado, pag sila’y namili na para i-replace ‘yung buffer stock na kulang nila ay tataas naman ang presyo ng bigas dahil marami silang bibilin… kaya’t ‘yun ang hinahanapan namin ng paraan para i-adjust.” ani Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.