PBBM naniniwalang ang pagdalo sa F1 racing sa Singapore is ‘the best way to ramp up business’

by Radyo La Verdad | October 4, 2022 (Tuesday) | 13517

METRO MANILA – Kinumpirma mismo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na dumalo siya Formula 1 o F1 racing sa Singapore nitong weekend.

Sa isang facebook post, inilarawan ito ng pangulo na isang  produktibong weekend at tinawag na ‘The best way to ramp up business.’

Ayon sa pangulo inimbitahan siya sa F1 racing kasama ng iba pang dignitaries, na aniya’y nagpahayag ng kahandaan na mamuhunan sa Pilipinas.

Dagdag pa nito, magbibigay siya ng karagdagang detalye kaugnay sa kanyang pagdalo sa nasabing racing.

Ang pahayag ng pangulo ay matapos kumpirmahin ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na nagtungo siya sa Singapore.

Nauna na ring nilinaw ni House Minority Leader Mannix Dalipe, na ang Singapore government ang nag-imbita sa pangulo.

Umani ng batikos si Pangulong Marcos matapos kumalat sa social media ang mga litrato ng kanyang pagdalo sa F1 Grand Prix.

Pero ayon kay Dalipe, malaki ang papel ni Pangulong Marcos sa Southeast Asia at hindi masama kung pinaunlakan nito ang imbitasyon ng pamahalaan ng Singapore.

Tags: , ,