PBBM at Pres. Biden, nagpulong sa unang pagkakataon sa New York, USA

by Radyo La Verdad | September 23, 2022 (Friday) | 2511

METRO MANILA – Nagkaroon ng pagkakataon sila President Ferdinand Marcos Jr. at US President Joe Biden na magpulong sa sidelines ng United Nations General Assembly, umaga ng Huwebes (September 22) New York time.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong nagkausap ang 2 lider. Kapwa kinilala ng mga ito ang matagal at matibay na ugnayan ng 2 bansa.

Isa ang isyu ng kapayapaan sa napag-usapan ng 2 pangulo sa kanilang unang pagkikita kabilang na ang usapin sa South China sea.

Umaasa naman si President Biden na magkakaroon pa ng mas mahabang oras sa ibang pagkakataon para sa mas maigting na talakayan ng isyung ito sa kaniyang Philippine counterpart.

Ayon kay PBBM, mahalaga ang bahaging ginagampanan ng Amerika sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon at pinahahalagahan ito ng mga bansa kabilang na ang Pilipinas.

Batay naman kay President Biden, kabilang sa dapat mapagtuunan ng pansin ay kung papaano pa maipagpapatuloy ang pagpapatibay sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika.

Pinasalamatan din ni President Marcos si President Biden sa malaking tulong ng Estados Unidos sa Pilipinas sa panahon ng pandemya.

Nais naman ni President Biden maging isa ang renewable energy sa mga posibleng mapagtulungan ng Amerika at Pilipinas.

Samantala, pinangunahan naman ni PBBM ang isang full house Philippine Economic briefing sa New York kung saan sinuyo nito ang US investors kaninang umaga.

Ipinagmalaki ni PBBM, ang paborableng business climate at malinaw na roadmap para sa economic recovery ng Pilipinas maging ang tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.

Inimbitahan din ni PBBM ang particpation ng investors sa ilang key sectors na binuksan ng bansa gaya ng high value investments para sa job creation, expansion ng digital infrastructure, research at development.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, inaasahang mas lalago ang foreign direct investments sa Pilipinas dahil sa mga isinagawang business meeting ng administrasyong Marcos sa business community sa Amerika.

Tags: , ,