Patay sa eleksyon, umabot na sa 33 – PNP

by Radyo La Verdad | May 15, 2018 (Tuesday) | 3025

Sa apatnapu’t pito na violent incident, tatlumput tatlo na ang naitalang napatay ngayong eleksyon ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, sa tatlumput anim na insidente pito sa mga ito ay kumpirmadong may kaugnayan sa eleksyon. Bukod sa tatlumput tatlong namatay, nakapagtala ang PNP ng labing siyam na sugatan, dalawamput dalawa na sangkot sa gulo subalit unharmed o hindi nasaktan.

Sa ngayon, mayroon aniyang 75 na identified suspects sa mga naturang insidente kung saan anim na ang naaresto.

Ayon kay Albayalde, ang mga datos na ito ay mas mababa kumpara noong 2013 na kung saan 109 ang bilang mga biktima sa 57 na violent incident.

Samantala, nagsagawa naman ng security inspection ang PNP chief sa ilang lugar sa Metro Manila.

Una nitong pinuntahan ang Pineda Elementary School sa Pasig dahil dito daw nakapagtala ng election related violence noong nakaraang eleksyon.

Isinunod nito ang Batasan Elementary School sa Quezon City na kung saan mayroong pinakamaraming registered voter sa bansa. Pumunta rin si Albayalde sa itinuturing na pinakamalaking barangay sa bansa ang Barangay Bagong Silang sa Caloocan.

Huli namang ininspekyon ni Albayalde ang Baclaran Elementary School sa Paranaque upang tignan kung gaano kahanda at kung sapat ba ang deployment ng pulis sa lugar.

Batay naman sa nakalap na impormasyon ng UNTV sa mga police station, isang lalake ang arestado sa Taguig dahil sa vote buying.

Ayon kay Albayalde, mas lalo pa nilang paiigtingin ang seguridad upang maingatan rin ang mga board of election tellers. Ipatutupad naman ni Albayalde ang one strike policy sa kaniyang mga tauhan.

Nagdeploy naman ng mahigit isang libong pulis ang PNP na tatayo bilang kapalit ng mga BET.

Isang halimbawa ay ang nangyari sa Mindanao na kung saan mayroong mga bet ang umurong kung kayat kailangang palitan ng mga BET na pulis.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,