Pasok sa mga Gov’t offices at mga paaralan sa Huwebes, Sept. 21, sinuspinde na ng Malakanyang

by Radyo La Verdad | September 19, 2017 (Tuesday) | 1638

Opisyal nang inanunsyo ng Malakanyang ang suspensyon ng klase sa mga pampublikong paaralan at pasok sa ahensya ng gobyerno sa buong bansa sa Sept. 21, araw ng Huwebes upang bigyang-daan ang karapatan sa malayang pagpapahayag ng saloobin kontra sa pamahalaan sa National day of protests.

Ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella, bahala  na aniyang magpasya ang mga administrador ng mga pribadong eskwelahan at pagawagaan kung magsususpinde ng pasok sa mga lugar na maaring maapektuhan ng kilos-protesta.

Iba’t-ibang militanteng grupo ang nagplanong maglunsad ng malawakang kilos-protesta upang ipanawagang itigil na ang anti-drug war ng administrasyong Duterte at iba pang isyu. Inatasan naman ang mga law enforcers na pairalin ang maximum tolerance at lumayo sa mga lugar kung saan may mga kilos-protesta.

Ayon sa Malakanyang, hindi naman hahadlangan ng pamahalaan ang mga grupong nais ipahayag ang kanilang pagtutol laban sa administrasyong Duterte. Nilinaw naman ng Malakanyang na hindi special non-working holiday ang September 21.

Samantala, kinansela na rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang nakatakdang 3rd quarter Nationwide Simultaneous earthquake drill sa Huwebes dahil na rin ito sa ginawang suspensyon ng pasok sa paaralan at tanggapan ng Malakanyang.

 

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,