Partisipasyon ng Estados Unidos sa Mamasapano incident, walang iregularidad ayon sa Malacañang

by Radyo La Verdad | January 29, 2016 (Friday) | 1795

JERICO_COLOMA
Walang nakikitang iregularidad ang Malacanang sa partisipasyon ng Estados Unidos sa Oplan Exodus laban sa international terorist na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Basit Usman sa Mamasapano Maguindanao.

Ito ay matapos lumabas sa senate hearing ang partisipasyon ng Estados Unidos na tumulong sa operasyon bilang intelligence support sa pamamamagitan ng Joint Special OperationsTask Force Philippines na nakabase sa Zamboanga City.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., layunin ng operasyon na labanan ang terorismo at mapairal ang kaayusan sa bansa.

Mayroon aniyang komprehensibong National security objectives ang bansa kaya naman mayroong pakikipagugnayan ang Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng umiiral na kasunduan gaya ng Visiting Forces Agreement.

“Linawin natin, ang overriding objective ng pamahalaan ay ‘yung counter terrorism at ‘yung pagpapairal din ng kaayusan sa ating bansa. We have overarching National security objectives. At iyan ‘yung malaking larawan kung bakit mayroong umiiral na pakikipag-ugnayan ang ating bansa sa Estados Unidos at ito ay nasa ilalim ng mga umiiral din na kasunduan. Iyong Visiting Forces Agreement, at ngayon may EDCA na tayo. Sumusunod at tumatalima tayo doon sa mga patakaran hinggil diyan.” Ani Coloma.

Binigyaang diin nito na ang naturang operasyon laban sa high value targets ay hindi naman aniya ito simpleng operasyon ng pulisya.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,