Panukalang pondo para sa taong 2021 na nagkakahalaga ng P4.3-T, nire-review na ng DBM

by Erika Endraca | June 25, 2020 (Thursday) | 11166

METRO MANILA – Tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng Department of Budget and Management (DBM) para sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.

Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, nasa P4.3-T ang halaga ng proposed national budget for 2021.

Nakatuon umano ang budget para sa mga programa ng pamahalaan upang labanan ang coronavirus pandemic at pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong mamamayan.

“Ang ating pong proposed budget for next year ay nasa 4.3 trillion pesos. At tumaas itong bahagya dahil this year nasa 4.1 trillion pesos tayo. Umakyat ng kaunti lang.” ani DBM Sec. Wendel Avisado.

Sa Hulyo ay sisimulan na ng DBM ang executive budget review sa mga isinumiteng budget proposal ng iba’t ibang kagawaran.

Target namang maisumite ng DBM ang 2021 proposed national budget sa tanggapan ng Pangulo kasabay sa araw ng State of the Nation Address (SONA)  nito sa July 27 o kaya ay sa pangalawang linggo ng Agosto.

Samantala, nasa P355.67-B na ang nagagastos ng pamahalaan sa pagresponde kontra COVID-19. P247.21-B dito ay galing sa pooled savings.

Inaasahan namang lumaki pa ang gastusin ng pamahalaan sa nagpapatuloy na krisis sa kalusugan ng bansa.

( Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,