Panukalang ipagbawal ang party-switching, inaprubahan na ng Consultative Committee

by Radyo La Verdad | May 3, 2018 (Thursday) | 2485

Sa layuning matugunan ang isyu ng mga pulitikong palipat-lipat ng partido, maglalagay ang Consultative Committee ng bagong probisyon sa panukalang federal constitution.

Sa ilalim nito, bawal na sa isang incumbent elected official na magpalit ng partido sa buong panahon ng kanyang termino. Bilang parusa, matatanggal sa pwesto ang kandidatong lalabag dito.

Bawal din silang i-appoint sa gobyerno, pagbabawalang tumakbo sa kasunod na halalan at dapat nilang ibalik ang nagastos ng partido sa kanilang kampanya.

Bawal din sa mga opisyal ng partido at mga kandidato na magpalit ng partido dalawang taon bago o matapos ang halalan. Kakanselahin ang rehistro ng mga partidong tatanggap sa mga lipat-bakod na pulitiko.

Ayon kay Dean Julio Teehankee, may-akda ng panukalang probisyon, bahagi ito ng kinakailangang reporma sa sistema ng pulitika sa bansa.

Una nang ipinagbawal ng komite ang mga political dynasties.

Ayon naman kay retired Chief Justice Reynato Puno na chairman ng komite, layunin nito na palakasin ang mga political parties at makapagtatag ng two-party system dahil hindi pa handa ang bansa sa isang multi-party set up.

Ipipresenta pa sa publiko ang mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas bago ito isumite sa pangulo sa darating na Hulyo.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,