Panukalang batas na naglalayong lumikha ng School-Based Mental Health Program, inaprubahan na ng Senado

by Radyo La Verdad | September 14, 2023 (Thursday) | 3367

METRO MANILA – Inaprubahan ng Senado sa unanimous 22 na boto ang Senate Bill No. (SBN) 2200 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act sa huling pagbasa nitong September 11.

Ayon kay Senator Win Gatchalian na lumikha ng SBN 2200, layon ng batas na magpatupad ng isang School-Based Mental Health Program upang itaguyod ang kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Lilikha ng mga care center sa lahat ng pampublikong paaralan ang nasabing batas sa pamamagitan ng Department of Education (DepEd) upang turuan ang mga mag-aaral sa pag-iwas, pagtukoy, at tamang pagresponde sa kanilang mga pangangailangan sa mental health.

Imamandato rin ng batas na paigtingin ang kaalaman ng mga guro pagdating sa mental health at magkaroon ng plantilla positions na Mental Health Associates I hanggang V, at Mental Health Specialists I hanggang V upang matiyak na may sapat na mga kawani sa pagpapatakbo ng programa.

Naniniwala si Senator Gatchalian na ang SBN 2200 ang susi sa pagsugpo sa tinatawag niyang pandemya ng mental health sa bansa.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: