Panukalang batas na naglalayong isailalim ang OFW hospital sa pangangasiwa ng DMW, ipinasa ng Kamara

by Radyo La Verdad | June 2, 2023 (Friday) | 3344

METRO MANILA – Layong gawing tagapangasiwa ng Overseas Filipino Workers (OFWs) Hospital sa San Fernando City, Pampanga ang Department of Migrant Workers (DMW). Ito ay sa ilalim ng ipinasang panukalang batas ng House of Representatives nitong May 29 na House Bill 8325 o ang “Overseas Filipino Workers Hospital Act” na may 255 boto.

Magsisilbing referral facility ang ospital para sa mga pinauwing OFW na nangangailangan ng tulong at suportang medikal, katuwang ang mga network ng provincial at inter-regional healthcare provider upang magkaroon ng isang maayos at may koordinasyong referral system para sa medical repatriation program. Alinsunod ito sa Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Act.

Kapag naisabatas ito, tatanggap ang mga OFW ng 24/7 telehealth services, pre-employment medical examination, post-employment, at post-arrival medical examination.

Kasama rin dito ang dagdag suporta sa pag-aaral ng mga unibersidad at institusyon sa mga alalahanin na may kaugnayan sa kalusugan ng mga migranteng manggagawa.

Inatasan naman sa ilalim ng batas ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tiyaking mapapalakas ang mga kasalukuyang benepisyong pangkalusugan at mga programa sa tulong medikal para sa mga OFW, kanilang mga dependent, mga contributor ng OWWA at sa pangkalahatang publiko.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, titiyakin na tatanggap ng kalidad, napapanahon at mahusay na serbisyong medikal ang mga OFW at kanilang mga dependent na nararapat sa kanila.

(Andrei Canales| La Verdad Correspondent)

Tags: , ,