Tinutulan ni Energy Regulatory Commission Chairperson Agnes Devanadera ang pagbuwag sa ahensyang pinamumunuan nito sa isinagawang pagdinig sa House Bill 5020 o ang panukalang batas na bubuwag sa ERC, iginiit ni Devanadera na sa halip ay palakasin na lamang ang ahensya.
Mismong si House Speaker Pantaleon Alvarez ang may akda ng panukalang batas. Ang isyu ng umano’y nangyayaring kurapsyon sa komisyon ang pangunahing dahilan kung bakit nais ni Alvarez na buwagin na ang ahensya.
Nabanggit pa sa explanatory note ng panukalang batas ang pagpapakamatay ni dating ERC Director Francisco Jose Villa Jr. noong Nov. 9, 2017 dahil sa korapsyon sa ahensya.
Ayon sa house speaker, sa ngayon hindi maiiwasan na pagdudahan ang integridad ng ERC.
Bilang isang regulatory body, ang ERC ang nag-aapruba sa aplikasyon ng mga electric company pagdating sa pagpapatupad ng adjustment sa singil ng kuryente at iba pang usapin na may kinalaman sa sektor ng enerhiya.
Bukod sa pagbuwag sa ahensya, kasama sa panukala ni Alvarez ang pagbuo naman ng Board of Energy na magiging bahagi ng Department of Energy upang magkaroon ng kontrol ang gobyerno sa ahensya.
Pagbabago naman sa istruktura ng ERC ang isinusulong ni House Committee on Energy Chairman Lord Alan Velasco pero hindi ito ilalagay sa ilalim ng DOE.
Samantala ayon kay Devanadera, sa ngayon apektado pa rin ang operasyon ng ahensya dahil sa pagkakasuspinde sa mga commisioners nito. Patuloy aniya silang nag-aabang sa magiging hakbang ng Malacañang.
Inihayag naman ni Devanadera na sa ngayon ay pinag-aaralan ng ERC kung paano mapapababa ang presyo ng kuryente sa bansa.
Ayon naman sa grupong United Filipino Consumers and Commuters, maaring tapyasan ng hanggang singkwenta porsyento ang presyo ng kuryente.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )