Panukala na magbigay ng deadline sa booster dose, pinaboran ni Dr. Ted Herbosa

by Radyo La Verdad | March 31, 2022 (Thursday) | 1660

METRO MANILA – Problemado ngayon ang pamahalaan dahil sa dumaraming bilang ng ating mga kababayan na hindi pa rin nagpapabakuna ng booster dose.

Isa sa mga ipinapanukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo Founder Joey Concepcion na gawin na lamang hanggang hunyo ang deadline sa pagpapa-booster.

Ayon kay Concepcion, maraming stock ng bakuna ang nakatakdang mag-expire sa nasabing buwan.

Sa tala ng Department of Health (DOH) mayroon pang nasa 33 million na mga fully vaccinated ang kinakailangan nang magpabooster shot para sa dagdag proteksyon laban sa COVID-19.

Para kay National Task Force Against COVID-19 Medical Adviser Doctor Ted Herbosa, pabor siya na magtakda ng deadline para sa pagbabakuna ng booster dose, dahil magbibigay daan ito para sa tuloy-tuloy na pagluluwag ng mga restriction sa bansa.

Kasama rin sa mga sinagayunan nito ang rekomendasyon na bigyan ng incentives ang mga may booster shot.

Bukod sa pagkakaroon ng deadline, dapat din paigtinging ang pagkakaroon ng localized vaccination days sa mga ilang lugar na maryoong mababang vaccination rate.

Naniniwala ang opisyal na posible pa ring magkaroon ng COVID-19 surge sa bansa kung hindi pa tataas ang bilang ng mga nagpapa-booster shot.

Samantala, nagpaalala naman si Doctor Herbosa sa publiko na siguraduhing nasusunod pa rin ang minimum health and safety protocols lalo’t marami ang inaasahang magbabakasyon sa mga pasyalan ngayong darating na long holiday.

Ayon sa doktor naiintindihan niya na sabik nang mamasyal ang ating mga kababayan pero hindi dapat makalimutan na magsuot ng facemask at mag social distancing para makaiwas sa hawaan ng sakit.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: