METRO MANILA – Itinanggi ng Malacañang ang kumakalat na ulat na hihigpitan ang community quarantine sa Metro Manila at gagawing Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, fake news ito.
Ito ang tugon ng palasyo sa kumakalat na PNP memorandum na babalik umano ang National Capital Region (NCR) sa mas mahigpit na Covid-19 restrictions simula Sabado.
Itinanggi rin ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Dagdag pa nito, walang inirerekomenda ang Inter-agency Task Force Against Covid-19 o ang Metro Manila mayors na gagawing pagbabago sa quarantine status sa rehiyon para ngayong buwan.
December 1 hanggang 31, 2020 ang ipinatutupad na General Community Quarantine sa kalakhang Maynila.
Ang bagong round naman ng community quarantine ay ipatutupad na sa January 2021.
Samantala, patuloy naman ang panawagan ng pamahalaan sa publiko na mahigpit na sundin ang health protocols, iwasang magtungo sa matataong lugar at magsagawa ng mga social gathering upang maiwasan ang lubhang pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: malacanang, MECQ, Metro Manila