Panibagong kaso ng pamamaslang sa OFW sa Kuwait, ikinagalit ng Pangulo

by Radyo La Verdad | January 2, 2020 (Thursday) | 15449

Ang pagpaslang sa Pinay domestic helper na si Jeanalyn Villavende ng kaniyang amo noong December 30, 2019 ang unang insidente ng paglabag sa pinagkasunduan ng Pilipinas at Kuwait na proteksyon sa karapatan ng mga Overseas Filipino Worker sa Kuwait.

Ayon sa Malacañang, ikinagalit ito ng husto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“The President is outraged by that, it is a violation of the agreement between these two countries and the incident is under investigation,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel.

Aminado ang tagapagsalita ng Pangulo na naapektuhan na ng naturang insidente ang ugnayan ng Pilipinas at Kuwait.

Ayon sa Palace official, na kay Pangulong Duterte ang desisyon kung muling magpapatupad ng total deployment ban ng mga OFW doon at kung ito ang irerekomenda ng Labor Department.

Una nang ipinagbawal ng gobyerno ang pagpapadala ng manggagawang Pilipino sa Kuwait noong 2018 dahil sa mga pang-aabuso sa mga Pinoy household service worker.

Pinakamatindi ang nangyari kay Joanna Demafelis na pinaslang ng kaniyang mga amo at natagpuan sa loob ng isang freezer.

(Rosalie Coz)

Tags: , , ,