Pangulong Rodrigo Duterte, nangakong gagawin ang lahat upang mapabuti ang kapakanan ng mga OFW sa Israel

by Radyo La Verdad | September 3, 2018 (Monday) | 4278

Alas otso kagabi, local time nang dumating si Pangulong Rodrigo Duterte sa Israel para sa tatlong araw na official visit.

Mula sa Ben Gurion International Airport, dumeretso ang punong ehekutibo sa Ramada Hotel kung saan tinatayang 1,400 mga Pilipino ang sabik na makita ito at makadaupang-palad ng personal.

Mula sa iba’t-ibang bahagi ng Israel tulad ng Haifa Tel Aviv, at Herzliya, Jerusalem, nagtipon-tipon ang mga Pilipino para sa isang pagpupulong na pinangunahan ni Pangulong Duterte.

Si Pangulong Duterte ang kauna-unahang Philippine President na bumisita sa Israel simula nang maitatag ang diplomatic relations ng dalawang bansa taong 1957, 61 taon na ang nakalilipas.

Alas dos y medya pa lang ng hapon, araw ng linggo, dumating na ang mga Pilipino sa venue at sabik na naghintay sa pagdating ng delegasyon ni Pangulong Duterte. Ang iba sa kanila, bumiyahe pa ng tatlo hanggang apat na oras.

Mas umingay naman ang Filipino crowd sa pagdating sa Ramada Hotel ni Pangulong Duterte.

Sa kaniyang talumpati, nangako ang Pangulo na gagawin ang lahat ng kanyang magagawa sa ilalim ng kaniyang administrasyon upang mapabuti ang kalagayan ng mga OFW sa ibang bansa, gayundin ang kanilang mga naiwang pamilya sa Pilipinas.

Samantala, araw ng Lunes, nakatakda naman ang pagpupulong nina Pangulong Duterte at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.

Bukod dito, bibisita rin ang punong ehekutibo sa Yad Vashem, ang holocaust memorial. Matatandaang naging kontrobersyal din ang pahayag ni Pangulong Duterte nang ikumpara ang kaniyang sarili kay Hitler sa pagtugis sa mga lulong at nagtutulak ng iligal na droga sa Pilipinas na inihingi niya naman ng paumanhin sa Israel.

Bukas naman araw ng Martes, ang meeting naman nito kay Israeli President Reuven Rivlin.

 

( Roselle Agustin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,