Pangulong Rodrigo Duterte, idineklara ang June 24 bilang Special Non-Working Holiday sa Maynila

by Radyo La Verdad | June 24, 2022 (Friday) | 1087

METRO MANILA – Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na special non-working holiday sa Maynila ang June 24, bilang pagdiriwang sa ika-451 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.

Batay sa inilabas na Proclamation No. 1400 ng Punong Ehekutibo at nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea nitong Miyerkules (June 22), inilaan ang nasabing araw para sa mga Manileño na lumahok sa nasabing pagdiriwang alinsunod sa ipinapatupad na health and safety protocols ng pamahalaan.

Nakapagtala ng maraming kasaysayan ang Lungsod ng Maynila simula nang ito’y itatag noong ika-24 ng Hunyo 1571 sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legazpi, ang kauna-unahang gobernador-heneral ng bansa noong panahon ng Kastila.

Sakop ng lungsod ang 38.55 kilometro kuwadrado na napapaligiran ng Manila Bay sa kanluran.

Bahagi ito ng Kalakhang Maynila (Metro Manila) o ng National Capital Region (NCR) na binubuo ng 16 lungsod, isang munisipalidad at nahahati sa 897 barangay na may kani-kaniyang chairperson at pitong konsehal.

Ang pangalang “Maynila” ay hango sa salitang “Maynilad” na galing sa halamang nilad, isang namumulaklak na halamang umaagos sa ilog.

(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)

Tags: ,