Pangulong Rodrigo Duterte, dumating na sa Jordan para sa tatlong araw na official visit

by Radyo La Verdad | September 6, 2018 (Thursday) | 3584

Sa huling araw ng kanyang pagbisita sa Israel kahapon, nakipagkita si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga businessman sa naturang bansa.

Ayon sa isang pahayag mula sa Malakanyang, 21 na business deals na nagkakahalaga ng 82.9 USD ang nalagdaan sa pagitan ng mga Filipino at Israeli businessmen. Inaasahang makapagbibigay ito ng trabaho sa halos walong daang mga Pilipino.

Nangako naman si Pangulong Duterte sa Israeli businessmen na magbibigay ng paborableng environment sa mga ito at iba pang negosyanteng nais na mag-invest sa Pilipinas.

Samantala, kahapon din pagkatapos ng pagbisita sa Israel ay tumungo na ang Pangulo at kanyang delegasyon sa Jordan para sa kanyang official visit sa bansa.

Ang tatlong araw na pagbisita nito sa Jordan ang kauna-unahan para sa isang kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas na inaasahang magpapatibay ng ugnayan ng dalawang bansa.

Mayroon nang 42 taon mula nang maitatag ang diplomatic relations sa pagitan ng Jordan at Pilipinas.

Tinatayang mayroong 40 libong Pilipino ang naghahanap-buhay sa Jordan.

Ngayong araw ang welcome ceremony ng Jordanian Government sa delegasyon ni Pangulong Duterte sa pangunguna ni King Abdullah II.

Inaasahan din ang pagpupulong sa pagitan ng dalawang pamahalaan kung saan lalagdaan ang mga kasunduang may kinalaman sa pagpapabuti working conditions ng overseas Filipino workers (OFW), trade and investment relations at defense cooperation.

Samantala, mayroon ding political consultation on trade and investment si Pangulong Duterte sa Jordan Investment Commission.

Bukod dito, may pagkakataon din ang mga Filipino businessmen na palawigin ang ugnayan sa pribadong sektor sa Jordan sa pamamagitan ng isang business forum.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,