MANILA, Philippines – Tuluyan nang ipagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng paputok sa buong bansa.
Ayon sa Punong Ehekutibo, maglalabas siya ng isang executive order para rito
Ginawa ng pangulo ang pahayag nang pangunahan nito ang turnover ng housing units para sa mga sugatang sundalo at pulis sa San Jose del Monte, Bulacan noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Pangulong Duterte, mapapribado o gobyerno man ay ipagbabawal na ang paggamit ng paputok, “I will issue the executive order at this early, para warning na dun sa lahat that I am banning firecracker all together.”
Pinabulaanan din ng punong ehekutibo ang paniniwala ng iba na nakapagpapalayas ng masamang isipiritu ang mga paputok, “yang firecracker, do not believe na paalisin mo ang devil. Kay sa totoo lang, yung kaharap ninyo nagsasalita ngayon, isang demonyo”
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health, 34 na porsyento ang ibinaba sa bilang ng fireworks-related injuries noong holidays mula December 21, 2018 hanggang January 5, 2019 kumpara noong nakaraang taon
Matatandaan na noong June 20, 2017 nang pirmahan ng Pangulo ang Executive Order 28 na nagkokontrol sa paggamit ng firecracker at iba pang pyrotechnic devices kung saan mga lisensyadong indibidwal na lamang ang maaaring magpaputok at mga community fireworks display na lang din ang pahihintulutan sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan.
Matagal nang adbokasiya ng UNTV ang paghikayat sa publiko na huwag nang gumamit ng paputok tuwing magpapalit ang taon.
Tags: bawal ang paputok, firecracker ban, fireworks, pangulo, paputok, Rodrigo Duterte, total ban, Total ban sa mga paputok