Pangulong Duterte, pinagbibitiw ni dating Chief Justice Sereno

by Radyo La Verdad | May 18, 2018 (Friday) | 20028

Mas palabang dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang humarap sa isang pagtitipon kahapon na inorganisa nang manlaban sa EJK at Integrated Bar of the Philippines.

Sa kanyang talumpati, nanawagan si Sereno na magbitiw na sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy nitong iniuugnay sa pagpapatalsik sa kanya sa Korte Suprema.

Sa kanyang talumpati, hayagang binatikos ni Sereno ang mga naging polisiya ng pangulo at kasama na dito ang apelang mag-resign ang pangulo.

Ayon kay Sereno, nakakakabahala din ang pakikipag-alyansa ni Pangulong Duterte sa bansang China na diumano’y nagsisilbing proteksyon ng pamahalaan upang siguruhing hindi matatanggal sa posisyon si Pangulong Duterte.

Pinuna din ni Sereno ang pahayag ng pangulo noong Myerkules kung saan sinabi nitong mas nanaisin niya na hindi isang pulitiko o babae ang magiging susunod na pinuno ng kataas-taasang hukuman.

Nang muling tanungin si Sereno kung ano ang susunod sa kaniyang karera at kung tatakbo siya sa halalan, sinabi nito na hindi siya isang pulitiko.

Kung ikokonsidera man niya ito ay dadaan pa aniya sa mahabang proseso at ipagdadasal na muna niya ito.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,