METRO MANILA – Tinawagan ng pansin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko at hinikayat ang mga mamamayang suportahan ang mga bagong lider ng bansa, sa kaniyang taped Talk to the People Address kagabi (June 6).
Maging ang kaniyang mga kaibigan, sinabihan nitong ibigay ang kahalintulad na suporta at tulong kay President-elect Bongbong Marcos Junior.
Ginawa ng pangulo ang pahayag 24 na araw bago ito pormal na bumaba sa pwesto.
Ayon pa sa outgoing president, kailangang isantabi ang pamumulitika at anumang hakbang na magreresulta ng pagkakawatak-watak sa bansa.
Samantala, kinilala naman ng presidente ang nagawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang tugunan ang insurgency problem sa bansa.
Kung siya ang tatanungin, nais niyang magtuloy-tuloy pa ang operasyon ng grupo sa susunod na mga taon upang matuldukan ang communist rebellion.
Sa ilalim ng NTF-ELCAC, nagtutulong-tulong ang mga ahensya ng pamahalaan upang makapag-kaloob ng sustainable interventions sa mga lugar na cleared na sa insurgency at mga armadong rebelde.
Maging ang paglaban sa anti-illegal drug, nais ding maipagpatuloy ng susunod na administrasyon.
Ayon sa punong ehekutibo, mapanganib kung babalik ang talamak na operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Una nang sinabi ni President-elect BBM na kung gugustuhin ni Pangulong Duterte, maaari niya itong gawing anti-drug czar.
Subalit, walang tugon dito ang presidente at ayon sa palasyo, looking forward na ito sa kaniyang retirement sa Davao City upang muling makapagturo.
(Rosalie Coz | UNTV News)