Pangulong Duterte, nananatiling pinakapinagkakatiwalaang opisyal ng pamahalaan – Pulse Asia

by Radyo La Verdad | January 9, 2018 (Tuesday) | 4632

Walo sa sampung Pilipino ang aprubado ang performance at patuloy na nagtitiwala kay Pangulong Rodrigo Duterte batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Batay sa 2017 last quarter survey ng Pulse Asia, aprubado ng 80 porsyento ng mga Pilipino ang performance ng Pangulo habang 7 porsyento lang ang hindi at 13 percent naman ang undecided. 82 percent naman ang nakuhang trust rating ng punong ehekutibo.

Pinakamataas na antas sa performance at trust rating ang nanggaling sa Mindanao, kasunod ang Visayas, National Capital Region at panghuli ang ibang bahagi ng Luzon.

Ang mga mamamayang nakahanay sa Class E ang nakapag-ambag ng mataas na puntos sa rating ng Pangulo.

Sa naturang survey, nakakuha naman ng 59% approval at 58% trust rating si Vice President Leni Robredo. Tumaas ito ng ilang puntos kung ikukumpara sa 3rd quarter survey noong Setyembre.

Mahigit 50% din ang trust and approval rating ni Senate President KoKo Pimentel. 42% approval at 37% trust rating naman kay House Speaker Pantaleon Alvarez.

Pinakamababa naman ang nakuhang rating ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa limang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Ginawa ang survey sa 1,200 tao noong December 10-15 at 17. Mainit na pinag-usapan sa naturang panahon ang ratification ng congress sa TRAIN Law, ang pagpasa sa 3.7 trillion pesos 2018 national budget, ang impeachment hearing kay CJ Sereno, ang pagpapatigil sa immunization program ng pamahalaan matapos ang pag-amin ng Sanofi na maaring magdulot ng severe dengue ang Dengvaxia vaccine sa mga hindi pa nagkaka-dengue, ang pagbalik ng PNP sa anti-drug war, ang pagdeklara sa CPP-NPA na mga terorista, ang panawagan ng revolutionary government ng mga taga-suporta ng Pangulo at iba pa.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

Tags: , ,