Pangulong Duterte, nakatakdang pirmahan ang 2020 National Budget Ngayong Araw (Jan. 6)

by Erika Endraca | January 6, 2020 (Monday) | 48140

METRO MANILA – Pagtitibayin na bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P4.1-T national budget para sa taong ito o ang General Appropriations Act of 2020 Ngayong Araw (January 6).

Nakatakdang isagawa ang Presidential Ceremonial Signing ng pambansang budget sa Malacañang mamayang Alas-4 ng hapon.

Noong December 20, 2019 isinumite ng Kongreso sa Malacañang ang 2020 budget.

Subalit na-delay ang pagpirma ng punong ehekutibo ng isang Linggo dahil sa masusing pagre-review ng kaniyang tanggapan at ng Department of Budget and Management (DBM) sa pambansang pondo.

Samantala, walang detalye ang Malacañang kung mayroong probisyon o line items sa 2020 budget na ivi-veto ni Pangulong Duterte.

Matatandaang may mga alegasyon si Senator Panfilo Lacson ng umano’y “last minute” insertions ng ilang miyembro ng House Of Representatives (HOR) sa 2020 National Budget.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,