Tatlong ahensiya ng gobyerno na kinabibilangan ng Sugar Regulatory Administration ang nais buwagin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mataas na pasahod sa mga consultant nito.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang speech sa closing ng 26th Mindanao Business Conference sa Cagayan de Oro City araw noong Sabado.
Nasa 600 business leaders ang dumalo sa pagtitipon kasama ang ilang kinatawan mula sa European Union, Italy at Russia.
Ayon sa punong ehekutibo, sa susunod na linggo, nais niyang buwagin ang nasa isa hanggang tatlong ahensya ng pamahalaan dahil sa katiwalian. Kabilang dito ang Road Board at Sugar Regulatory Administration.
Mayroon umanong isang opisyal sa mga ahensyang ito na may tatlong consultants na binabayaran ng nasa 200 libong piso bawat isa buwan-buwan. Gayunman, ipapaubaya niya sa kongreso ang pinal na desisyon hinggil sa panukala niyang abolishment ng mga naturang ahensya.
Ang Road Board ang namamahala sa road users’ tax upang imentene at pagbutihin ang mga kalsada, gawing ligtas at bawasan ang air pollution.
Samantalang ang Sugar Regulatory Administration naman ay ahensya nasa ilalim ng Department of Agriculture at responsable sa pagsusulong ng industriya ng asukal sa bansa.
(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)