Nagbigay na ng ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait government kung mauulit pa ang pang-aabuso sa mga Overseas Filipino Worker na nasa kanilang bansa.
Ayon sa punong ehekutibo, pauuwiin na niya ang mga Pilipino at tuluyang ipagbabawal ang deployment ng mga manggagawa sa naturang bansa kung may insidente pa ng pang-aabuso sa sinomang OFW.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag bago ito tuluyang umalis ng bansa patungong New Delhi, India para dumalo sa ASEAN-India Commemorative Summit ngayong araw.
Nilinaw ng Pangulo na itinuturing ng Pilipinas na kaalyado ang Kuwait. Aminado rin itong malaki ang naitutulong ng bansang Kuwait sa Pilipinas. Subalit di aniya ito sapat na dahilan para wala siyang gawing hakbang para mapigilan ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino.
Aminado ang Pangulo na mahihirap ang mga Pilipino kung kaya’t kinakailangan ng ayuda mula sa bansang Kuwait subalit hindi nararapat na darating pa sa punto na sukdulang maisaakripisyo pati ang dignidad ng mga Pilipino.
Umaasa ang punong ehekutibo na pakikinggan ang kaniyang panawagan dahil seryoso siya na hinding-hindi niya hahayaang ito ay maulit muli.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Kuwait, OFW, Pangulong Duterte