Pang. Duterte, nag-aerial inspection sa Itbayat, Batanes na naapektuhan ng lindol

by Erika Endraca | July 29, 2019 (Monday) | 6964

MANILA, Philippines – Bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte kahapon (July 28) sa mga apektadong lugar sa Batanes upang personal na alamin ang pinsala ng kalamidad matapos ang dalawang malalakas na lindol noong Sabado.

Nagsagawa ito ng aerial inspection sa itbayat kasama sina Batanes Governor Marilou Cayco at Senator Bong Go.

Nakipagpulong din ito sa ilang miyembro ng kaniyang gabinete at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Batanes.

Nangako ang punong ehekutibo na maglalaan ng P40 M halaga ng pondo para sa reconstruction ng isang ospital sa Batanes.

“Okay, I’ll give you the 40 million. Who is in charge here? Ikaw na Mayor. I hope you’d put it to good use. The 40 million would bring you something like small parang clinic, hospital. Hindi naman kayo marami dito. And you would need a transportation that is faster for emergency,” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagbigay din ito ng direktiba sa lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan na respondehan at agad na ipagkaloob ang ayuda para sa mga biktima ng lindol at i-rehabilitate ang mga napinsalang imprastraktura. Nasa 3,000 residente ang apektado ng lindol sa limang barangay sa Itbayat.

Samantala, inutusan naman ng punong ehekutibo ang Philippine Coast Guard na magpatrolya sa Batanes Islands. Ito ay upang mabantayan aniya ang mga islang pag-aari ng Pilipinas.

“We just got we acquired some sort of a fast boat. You might want to ask the coast guard to  pumunta dito, mag-istambay lang, palit-palit lang, to patrol the island from time to time. Not everyday but just to assure that those islands will remain ours.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz | Untv News)

Tags: , ,