Pangulong Duterte, may sariling istilo ng pagpili ng mga itatalagang high-ranking officials – Malacañang

by Radyo La Verdad | October 22, 2019 (Tuesday) | 12045

Wala pang itinatalagang Chief Justice si Pangulong Rodrigo Duterte.  Matatandaang nagretiro na noon pang October 18 ang dating Punong Mahistrado na si Lucas Bersamin samantalang ang acting Chief Justice naman ngayon na si Antonio Carpio ay nakatakdang magretiro sa October 25, pagsapit ng ika-70 kaarawan nito.

Sa pambansang pulisya naman, bago tumuntong sa kaniyang compulsary age of retirment sa November 8 ay bumaba na sa pwesto ang  hepe ng PNP na si Police General Oscar Albayalde dahil sa pagkakadawit sa umano’y drug-recycling sa Pampanga noong 2013.

Wala pa ring itinatalaga ang Pangulo na kapalit ni Albayalde.

Kamakailan, inihayag ni Interior Secretary Eduardo Año ang tatlong pangalang isinumite nito sa tanggapan ng Punong Ehekutibo na kaniyang iniendorso para maging susunod na PNP Chief. Ito ay sina Police Liuetenant General Camilo Cascolan, Police Major General Guillermo Eleazar at Police Liuetenant General Archie Gamboa.

Ayon sa Malacañang, kahit sa mga cabinet member ay hindi tumatanggap ng rekomendasyon ang Punong Ehekutibo kaugnay ng mga itatalaga niyang high-ranking government official.

Bukod dito, magdadalawang isip din aniya ang mga malalapit at nakakakilala sa Pangulo na magrekomenda sa kaniya sa usapin ng high-ranking government officials.

May sarili rin aniyang istilo ang pangulo sa pagpili ng mga itinatalagang opisyal ng gobierno.

“Ang pagkakaalam ko kay Presidente, may sarili siyang istilo ng pag-vet,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,