Pangulong Duterte, magtutungo sa Vietnam sa Nov. 8-11 para sa APEC Summit

by Radyo La Verdad | November 7, 2017 (Tuesday) | 11666

Apat na araw na mamamalagi si Pangulong Rodrigo Duterte sa Vietnam para sa kaniyang working visit mula November 8 hanggang 11, 2017.

Dadalo ito sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Economic Leaders’ Meeting kasama ang iba pang World Economic Leaders.

Kabilang din sa mga inaasahang makaka-usap ng Pangulo sa APEC Summit ang ilang world leaders na hindi naman makadadalo sa ASEAN Summit dito sa Pilipinas mula November 12-17 tulad nina Chinese President Xi Jinping at Russian President Vladimir Putin.

Inaasahan din ang unang pagkikita at pakikipagpulong nina Pangulong Duterte at U.S. President Donald Trump.

Posibleng magkausap ang dalawa sa welcome ceremony, gala dinner, sidelines at iba’t-ibang engagements sa APEC Summit.

Kabilang naman sa mga inaasahang magiging paksa ng pulong ay ang isyu sa ekonomiya at seguridad.

Ayon naman sa Malakanyang, maaaring maging maikli lamang ang oras para makapag-usap sina Pangulong Duterte at Trump dahil na rin sa dami ng World Economic Leaders sa event.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,