Pangulong Duterte, magpapatuloy sa pagtatanggal sa pwesto ng mga opisyal na nasasangkot sa katiwalian

by Radyo La Verdad | June 20, 2018 (Wednesday) | 5971

Gaya ng kaniyang ipinangako bago pa man opisyal na manungkulan bilang punong ehekutibo, hindi titigil si Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang katiwalian sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Ayon sa pangulo, wala siyang pakialam kahit na pintasan siyang ginugugol niya ang kaniyang termino sa pagtatanggal ng mga opisyal ng gobyerno.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag nang pangunahan nito ang pagdiriwang ng ika-81 anibersaryo ng Government Service Insurance System (GSIS) sa Pasay City kahapon.

Gayunman, aminado rin ang punong ehekutibo na mahirap resolbahin ang suliranin sa tindi ng korupsyon sa gobyerno. Hindi bababa sa 20 ang sinibak na ng pangulo sa pwesto mula nang siya’y manungkulan noong 2016.

Kinukwestyon din ng oposisyon ang reappointment ng ibang una nang tinanggal sa pwesto ng pangulo tulad nina Agriculture Under Secretary Jose Gabirel “Pompee” La Vina, Housing Deputy Secretary General Melissa Aradanas at member of governing board ng Philippine Coconut Authority (PCA) na si Manuel Serra.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,