Pangulong Duterte, inuutusan na ang NFA na bilhin lahat ng palay ng mga local farmer

by Erika Endraca | September 5, 2019 (Thursday) | 5510

MANILA, Philippines – Inuutusan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Food Authority o NFA na bilhin ang palay ng mga local farmer kaugnay ng mga ulat na bumabagsak ang presyo ng palay.

Gayunman, iginiit ito ng Pangulo sa pamamagitan ng makatwirang halaga.Binigyang-diin din ng punong ehekutibo na ang pagkakapasa at pagpapatupad ng Rice Tariffication Law na itinuturong dahilan ng pagbagsak ng presyo ng palay ay para sa ikabubuti ng nakararami at ng di ng iilan.

Samantala, isa sa ipinagkakaloob sa mga household beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan ang rice subsidy o katumbas ng P600 kada buwan.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, kinukunsidera na ngayon ng pamahalaan na sa halip na cash para sa rice subsidy ang matanggap ng mga benepisyaryo, bigas na mismo ang ibibigay sa kanila buwan-buwan.

Posibleng bilhin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bigas sa mga provincial government at sa National Food Authority (NFA) na bumibili ng palay sa mga magsasaka.  Ayon kay Secretary Dar, may pag-uusap na sila ng DSWD  tungkol dito.

“They are open, so the final discussions are being made so that this quarter, starting September and the next quarter, ay pwede na silang magbigay ng bigas.” ani Department of Agriculture Sec. William Dar.

Sa pamamagitan nito, inaasahang makakatulong din ang pamahalaan sa mga rice farmer. Nasa P28-B ang halaga ng pondong nakalaan para sa rice subsidy. Batay sa tala ng DSWD, nasa 4.8-M  households ang nakikinabang sa 4Ps.

(Rosalie Coz | UNTV Coz)

Tags: ,