Pangulong Duterte, iginiit na kailangan ang jeepney modernization

by Radyo La Verdad | October 18, 2017 (Wednesday) | 3299

Sa gitna ng matingding pagtutol ng ilan sa isinusulong na jeepney modernization program ng pamahalaan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na kailangan na itong ipatupad.

Kaya babala ng Pangulo, kailangang palitan na ang mga lumang jeep bago pumasok ang taong 2018.

Bwelta naman ng Pangulo, nilalason lang ng grupong PISTON ang isip ng mga drayber at operator upang tutulan ang programang ito ng pamahalaan.

Bukod sa Piston, napagbalingan din ng Pangulo ang ibang mga militanteng grupo at tinawag na mga legal front ng Communist Party of the Philippines at mga kasabwat sa rebelyon.

Nanindigan ang punong ehekutibo na hindi magtatagumpay ang mga komunista sa planong maitatag ang kanilang gustong uri ng gobyerno.

Pero ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, ang bansag ng Pangulo sa mga militanteng grupo na legal front ng mga komunista at sangkot sa rebelyon ay naglalagay sa panganib sa buhay ng mga aktibista.

Aniya, tila hinihikayat nito ang state forces na barilin ang mga aktibista o sampahan ang mga ito ng gawa-gawang mga kaso.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,