METRO MANILA – Inilatag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang economic recovery plans ng kaniyang administrasyon.
Partikular ang ukol sa sound fiscal management plan sa pamamagitan na rin ng pagpapatupad ng reporma sa pagbubuwis.
Binanggit ng pangulo ang ukol sa pagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa digital service providers.
Inilatag rin ni Pangulong Marcos ang economic targets ng administrasyon kabilang na ang inaasahang paglago ng ekonomiya ng bansa sa 6.5% hanggang 7.5% ngayong taon; Pababain ang poverty rate sa 9% pagsapit ng taong 2028.
At mapababa ang utang ng Pilipinas sa 60% na debt-to-GDP ratio sa taong 2025.
Inihayag na rin ni PBBM ang plano niya sa agriculture sector. Kabilang na pagbibigay ng direktang tulong sa mga magsasaka.
Sa long term plans naman ng administrasyon , paiigtingin ang pagsasaliksik sa makabagong paraan ng pagtatanim at pag-aalaga ng hayop.
Prayoridad rin ayon sa pangulo ang modernisasyon sa pagsasaka, papalawakin ang post production at processing. At matiyak ang maayos na farm-to-market roads.
Ukol naman sa agrarian reform, maglalabas ng kautusan ang pangulo para magpatupad ng 1 year- moratorium sa pagbabayad ng land amortization at interest payment para sa agrarian reform beneficiaries.
Inatasan naman ni Pres. Marcos ang DSWD na linisin ang listahan ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at pabilisin ang tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Sa planong pangkalusugan, ayon sa pangulo hindi na kakayanin ang anomang lockdown, at wala na aniyang gagawing lockdown.
Mananatili ang alert level system sa bansa. Kailangang magtayo ng dagdag na health center at malalaking ospital sa mga probinsya.
Sinimulan na rin aniya ang pakikipagusap sa mga kumpanya para makakuha ng murang gamot ang bansa.
Inatasan naman ni Pangulong Marcos ang DOH at DILG para sa muling booster shots rollout.
Ukol sa edukasyon, panahon na ayon sa pangulo upang magbalik sa face-to-face classes.
Inatasan rin ni Pangulong Marcos ang DICT na ipatupad ang national broadband plan.
Ukol naman sa enerhiya, top agenda ng pangulo ng pagsusulong ng renewable energy.
Napapanahon na rin ayon sa pangulo na pag-aralan ang pagtatayo ng nuclear plants.
Titingnan din ng administrasyon kung papaano pa mapapababa ang singil sa kuryente.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Marcos Administration, PBBM, SONA 2022