Pangulong Aquino, pinangunahan ang paglulunsad ng school-based dengue immunization program sa Zambales

by Radyo La Verdad | April 6, 2016 (Wednesday) | 1583

PNOY
Maghapong nag-ikot sa Iba, Zambales si Pangulong Benigno Aquino The Third kahapon para sa ilang public engagements, partikular na ang may kinalaman sa medical services ng pamahalaan.

Pinangunahan niya ang paglulunsad ng school-based dengue immunization program ng Department of Health sa Zambales na isa sa mga lugar sa Central Luzon na may mataas na kaso ng dengue.

Layunin ng programa na makapag-bakuna ng nasa isang milyong grade four students, edad siyam pataas, sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.

Batay sa ulat ng Department of Health, umabot sa 18,760 ang kaso ng dengue sa bansa nitong buwan ng Pebrero, mas mataas kumpara sa 16,606 kasong naitala sa kaparehong panahon noong 2015.

Matatandaang ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa na nabigyan ng dengue vaccine at pangalawa naman sa mga bansa na nagkaroon ng lisensiya upang ibenta ito sa merkado.

Maliban sa launching ng immunization program ay dinaluhan rin ng pangulo ang ceremonial distribution ng medical equipment sa ilalim ng tamang serbisyo para sa kalusugan ng pamilya o Tsekap program.

Pinangunahan rin niya ang groundbreaking ceremony ng bagong outpatient department ng President Ramon Magsaysay Memorial hospital na pinondohan ng Health Facilities Enhancement program.

Matapos nito ay dumiretso na si Pangulong Aquino sa Zambales Sports Complex para dumalo sa pulong ng local leaders at komunidad.

(Leslie Huidem / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,