Nagpahayag ng pagkainip si Pangulong Benigno Aquino III dahil sa mabagal na pagusad ng kaso sa pagkamit ng hustisya para sa nasawing 44 na tauhan ng PNP Special Action Force.
Pahayag ito ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa Camp Crame kasabay ng pagkilala sa kabayanihan ng mga nasawing pulis sa enkuwentro sa Mamasapano.
“Gaya ninyo, ako man po ay naiinip sa bagal ng pag-usad ng sistemang pangkatarungan sa ating bansa.” pahayag ni Aquino. “Ika nga: Justice delayed is justice denied.”
Dahil dito, ipinasusuri ni Pangulong Aquino ang PNP law sa Kongreso.
Dapat aniyang tukuyin ang mga probisyong pumipigil sa agarang pagpapataw ng parusa sa mga pinunong nagkukulang sa tungkulin.
“Ayaw po nating maulit ang mga trahedyang dulot lamang ng pagsuway sa mga patakaran. Hindi makatwirang magpatuloy ang sistema kung saan may karaniwang indibidwal na pumapasan ng mas mabibigat na obligasyon dahil sa kapabayaan ng iilan.” dagdag pa ng Pangulo.
Hindi din aniya maghihilom ang sugat sa nangyaring trahedya kung sa nakalipas na isang taon ay hindi pa rin nakakamit ang hustisya.
Kasabay ng pagtiyak ng suporta sa pamilya ng SAF 44, puspusan naman aniya ang pagsisikap ng pamahalaan para makamit ang hustisya.
Samantala, hindi naman aniya maiaalis na mayroon pa ring magsasamantala sa aniya’y mga kontrobersiya upang gamitin ang naturang trahedya sa pansariling agenda.
(Jerico Albano / UNTV Correspondent)