Muling iginiit ni Pangulong Benigno Aquino III na dapat isulong ang Bangsamoro Basic Law sa kabila ng nangyaring insidente sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa kaniyang talumpati sa Pilar, Bataan sa paggunita ng ika-73 Araw ng Kagitingan, inalala ni Pangulong Aquino ang karanasan sa kasaysayan na nagdulot lamang ng pagdurusa ang digmaan at karahasan sa ating bansa.
Aniya, ang aral na ito mismo ang naguudyok sa kanya na ituloy ang pagtaguyod ng pangmatagalang kapayapaan sa mindanao sa pamamagitan ng Bangsamoro Basic Law.
Paliwanag ng Pangulo, ito ang susi para matigil na ang ilang dekadang digmaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
“Ang dating kalaban, ngayon, katuwang na natin sa pagkamit ng kapayapaang makatarungan sa lahat. Sa pagbubuklod natin upang itaguyod ang kaayusan sa Mindanao, higit nating mapapalawak ang pagkakataon para sa ating mga kababayan.” ayon kay Pangulong Aquino.
Dagdag pa ng Pangulo, na gaano man kahirap, anumang pasakit haharapin, itataguyod pa rin nito ang kapayapaan dahil ito ang paraan upang makamit ang katarungan para sa lahat.
Tags: Araw ng Kagitingan, Bangsamoro Basic Law, Mamasapano incident, MILF, Pangulong Aquino