Pinasinayaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang bahagi ng walong kilometrong bagong kalsada sa Brgy. Duyoc, Dao Capiz.
Ang Junction National Road Mianay – Duyoc- Calaan – Panitan Road project ay may limang yugto ng konstruksiyon.
Sa kasalukuyan ay nakumpleto na ang apat na yugto habang nagpapatuloy pa ang ika limang bahagi nito na aabot na lamang sa 195 meters.
Ang P151.6M na proyekto ay nagsimula noong 2012.
Ayon kay Pangulong Aquino, patuloy na tinututukan ng kaniyang administrasyon ang mga proyektong imprastraktura dahil dito nakakatulong aniya ito para umasenso ang mamamayan.
“Kaya naman, tuloy ang tutok natin sa imprastruktura. Tingnan po ninyo: Tinatayang 5 porsiyento ng kabuohan nating GDP, nakalaan para sa imprastruktura. Buod po nito: Habang napapalaki ang ekonomiya, sabay taas ng budget sa pagpapagawa nga mga kalsada’t tulay, pantalan, paliparan, at iba pa, na siya namang nagpapa-asenso sa ating mga Boss. Yan po ang Daang Matuwid. Yan po ang good governance.” Pahayag ni Aquino.
Dahil aniya sa mga kalsadang naipagawa, mas mapapaikli ng tatlumpung minuto ang biyahe ng mga motorista mula sa Mianay Sigma hanggang sa Panitan Capiz.
Ayon naman kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson, lumagpas na sa naunang naipangako ng kaniyang tanggapan na 7,200 kilometro ng nasementuhang kalsada dahil sa ngayon ay umabot na ito sa 7,700 kilometro.
Ang pinasinayaang proyekto ng pangulo ay ang 62,000th road project ng DPWH bukod pa sa nagawang 1,500 na kilometrong natapos nito sa ibang lugar.
(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)
Tags: Capiz