Pang. Marcos Jr. naniniwalang handa na ang mga Pilipino na bumalik sa normal na buhay

by Radyo La Verdad | October 24, 2022 (Monday) | 2066

METRO MANILA – Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Junior na nagbabalik na ang sigla ng turismo at unti-unti nang nakakabangon ang ekonomiya ng bansa.

Ito ang inihayag ng pangulo sa kaniyang pakikiisa kahapon (October 23) sa Masskara festival ng Bacolodnons.

Positibo si PBBM na handa na ang bansa na magbalik sa normal mula sa idinulot na epekto ng pandemya sa ekonomiya ng bansa.

“Hindi lang ng taga-Bacolod kung hindi lahat na talaga handang handa na ang mga kababayan nating Pilipino na bumalik na sa normal na buhay at ipagpatuloy ang ating mga ginagawa para pagandahin natin ang buhay ng isa’t isa, para pagandahin natin ang Pilipinas. “ ani Pres. Ferdinand Marcos Jr.

Pinanguhan rin ng Punong Ehekutibo ang pamamahagi ng tulong sa ilang indibidwal at grupo ng mga magsasaka sa Negros Occidental.

Nag-turnover ang Department of Agriculture ng cheke na nagkakahalaga ng P88-M sa 9 na farmer organizations.

Namahagi rin ang pangulo na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA) ng palay seeds sa 100 magsasaka sa ilalim ng Rice Competitive Enhancement Fund.

Namahagi rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tig P5,000 na financial assistance sa 100 residente ng Bacolod City.

Muling tiniyak ng pangulo ang patuloy na tulong ng pamahalaan sa mga Pilipinong nangangailangan.

“Sa palagay ko naman po, basta’t ipagpatuloy natin ito, basta’t ipagpatuloy natin na pagandahin ang paghawak sa ekonomiya, sana naman hindi na tatagal, hindi niyo na kakailanganin itong tulong na ito. Ngunit habang nandiyan, hanggang kailangan ninyo, nandito kami.” ani Pres. Ferdinand Marcos Jr.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,