MALACAÑANG, Philippines – Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes ang mga nagbabalak na sampahan siya ng impeachment complaint dahil sa isyu ng pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Una nang sinabi nina dating Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario at Senador Leila de Lima na impeachable offense ang umano’y pagpapahintulot ng Duterte administration na makapangisda ang China sa ating exclusive economic zone.
May banta pa ang Punong Ehekutibo sa mga gustong siya may ma-impeach.
“I-impeach ako? Kulungin ko silang lahat. Subukan ninyo. Try to take it — try to do it and i will do it. Eh p***, sabihin ko sa mga sundalo ko, ‘ipadala ko kayo doon’. Paano itong mga pamilya nito? P***** i**. Tapos maubos.” Ani Pangulong Duterte.
Subalit ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, seryoso ang naging pahayag ng Pangulo dahil hindi nauunawaan ng kaniyang mga kritiko na nais lamang ng Punong Ehekutibo na pangalagaan ang interes ng bansa at mga mamamayang Pilipino higit sa mga yamang dagat sa pinagtatalunang teritoryo.
Tiwala naman si Pangulong Duterte na hindi magtatagumpay ang anumang impeachment complaint laban sa kaniya.
Lalo na’t marami ang kaniyang mga kaalyado sa Kongreso.
“How can a President be scared of the impeachment. An impeachment is a numbers game, eh supermajority ngayon sa Kongreso, baka sa committee on justice, wala na kaagad yan.” Pahayag ni Sec. Salvador Panelo ang Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel.
Samantala, iginiit naman ng opisyal na hindi mawawalang kabuluhan ang ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016 na pumapabor sa Pilipinas laban sa China sa usapin ng pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Nagagamit aniya ito ng bansa upang igiit ang ating karapatan laban sa China.
Dagdag ni Sec. Salvador Panelo, “Mayroon ka ngayong bargaining leverage, kung wala yun, wala tayong, walang kang ibibgay na, anung basis ninyo bakit kayo nandito, hindi rin useless, ang problema lang yung enforcement.”
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: impeachment complaint, Pang. Rodrigo Duterte, West Philippine Sea dispute