Courtesy resignation ng mga opisyal ng PhilHealth, iniutos ni Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | June 11, 2019 (Tuesday) | 2332

METRO MANILA, Philippines – Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang courtesy resignation ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth kasunod ng isyu ng “ghost claims”.

Sa isang pagpupulong kagabi sa Malacañang kasama ang PhilHealth Board Members, nagpahayag ng pagkalungkot ang Punong Ehekutibo sa kalagayan ng naturang government corporation.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bagaman tiwala pa rin si Pangulong Duterte kay PhilHealth CEP at acting President Roy Ferrer, gayundin sa Board Members, hiniling pa rin nito ang courtesy resignation nila.

Ito aniya ay upang magkaroon ng clean state sa hanay ng mga opisyal at walang bahid ng iregularidad sa pagbibigay ng serbisyo at pagpapatupad ng mga polisiya sa kalusugan partikular na ang Universal Health Care.

Nagbigay din ng direktiba ang Pangulo sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng full-scale investigation kaugnay ng mga umano’y nangyaring iregularidad sa PhilHealth.

Tiniyak naman ng palasyo na hindi nito mahahadlangan ang operasyon ng PhilHealth at ang pansamantalang mamamalakad ay pangangasiwaan ng second-level officials habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Magkakaroon rin ng malalimang pag-aaral ang pamahalaan hinggil sa mga iregularidad na nadiskubre na ginagawa ng ilang mga tao sa labas at loob ng PhilHealth.

Tiniyak ng Malacañang ang pagpapanagot sa lahat ng mga nagkasala sa ilalim ng batas kaugnay ng umano’y fraudulent claims sa PhilHealth.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,