METRO MANILA – Iginiit ng Malacañang na walang lalabagin sa saligang batas ang posibilidad na pagkatakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 national elections bilang bise presidente.
Gayunman, nakikinig naman ang pangulo sa boses ng publiko kaugnay ng isyu, ayon sa kanyang tagapagsalita.
Kaya ang panawagan ng palasyo, hintayin na lang ang pinal na hakbang ng presidente sa October 1-8, ang nakatakdang panahon kung kailan magsusumite ng certificates of candidacy ang mga aspirant sa May 2022 elections.
“Pero masasabi ko lang po, sensitibo po ang presidente sa pulso ng taumbayan, hintayin na lang po natin ang kaniyang pinal na desisyon.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Ginawa ng palace official ang pahayag matapos lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na 6 sa 10 Pilipino ang naniniwalang labag sa konstitusyon ang VP bid ni Pangulong Duterte
Sa survey mula June 23 hanggang 26 sa isang libo at dalawang daang respondents, lumalabas na 60% o anim sa sampung mga pilipino ang naniniwalang labag sa konstitusyon ang kandidatura ng punong ehekutibo sa pangalawang pinakamataas na pwesto sa bansa.
Lahat ng mga respondents sa major regions ng bansa, ganito ang sentimyento.
Hindi rin nagkakalayo ng opinyon ang mahihirap, katamtaman at hindi mahirap.
Lumabas din sa survey results, na pinakamataas sa mga nagsabi na labag sa konstitusyon ang kandidatura ng pangulo ay ang mga pinaka -hindi nasiyahan sa kanyang performance.
Noong September 23, pormal nang nilagdaan ng pangulo ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) para sa kanyang pagtakbong bise presidente sa ilalim ng PDP-Laban Cusi faction.
Ngunit bago pa man ito, marami nang personalidad at grupo ang nagsabing labag sa batas ang vp bid ng pangulo.
(Rosalie Coz | UNTV News)