Pananaw ng rebeldeng komunista hinggil sa mga ginagawa ni Pres. Duterte, hindi makatuwiran – Malacañang

by Radyo La Verdad | July 27, 2017 (Thursday) | 7304


Ipinag-utos ng Communist Party of the Philippines sa Armed Wing nito na New People’s Army na palawigin pa ang samahan nito sa pamamagitan ng mabilisang recruitment ng mga bagong rebeldeng mandirigma.

Batay sa pahayag na inilabas ng rebeldeng komunista, ang magiging pagtutol ng mga naaaping manggagawa, magsasaka, mga moro at iba pang minorya ay magiging mas masahol pa sa ginawang paglaban sa US Marcos dictatorship.

Subalit ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, baluktot ang pananaw ng mga makakaliwang grupo hinggil sa kasalukuyang administrasyon.
Lalo na at marami na ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte upang ipakita ang kaniyang sinseridad na makipagpayapaan sa CPP-NPA-NDF.

Gayunman, wala aniyang karampatang aksyon ipinakita ang mga makakaliwa upang tumbasan ang uri ng pakikipagnegosasyong ginagawa ng pamahalaan.

Sa ngayon, bagaman paulit-ulit na sinabi ni Pangulong Duterte na ayaw na niyang makipag-usap sa mga rebeldeng komunista, nakaantabay rin ang Malakanyang at ang mga negosyador ng pamahalaan sa pinakahuling derektiba ng punong ehekutibo, ang formal termination ng peace talks.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,