Pamilya ng mga naulila ng SAF 44 sa Mamasapano incident, patuloy na humihingi ng hustisya

by Radyo La Verdad | January 25, 2018 (Thursday) | 23370

Tatlong taon na ang lumipas, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin naghihilom ang sugat na iniwan sa mga mahal sa buhay ng apat na pu’t apat na miyembro ng Philippine National Police Special Action Force na nasawi sa malagim na trahedya sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Tulad na lamang ni Rohirmina Asjali, ina ni PO3 Jedz-In Asjali, sariwa pa rin umano sa kaniyang ala-ala ang anak noong nabubuhay pa ito.

Si Jedz-In ay miyembro ng 55th SAF na napatay sa bakbakan sa oplan exodus o ang misyon para mahuli ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir o “Marwan” noong January 25, 2015 sa Mamasapano.

Pangalawa ito sa tatlong magkakapatid, binata ngunit siya ang sumusuporta sa dalawang kapatid na kapwa may pamilya na. Makalipas ang tatlong taon, wala pa ring napapanagot sa madugong insidente.

Ngunit hindi umano magsasawang sumisigaw para sa katarungan ang mga katulad ni Rohirmina na hindi nawawalan ng pagasa na mabibigyang hustisya ang pagkamatay ng mahal sa buhay.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,