Pamilya Delos Santos, hindi titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para kay Kian

by Radyo La Verdad | August 21, 2017 (Monday) | 2347

Patuloy ang pagdating ng mga kamag-anak, kaibigan at mga kapitbahay sa burol ni Kian Delos Santos sa barangay 160, Libis sa Caloocan City.

Si Kian ang 17 anyos na napatay ng mga pulis sa anti-illegal drug operation noong Miyerkules ng gabi.

Kahapon, ilang pulitiko ay bumisita sa burol ni Kian katulad ni Vice President Leni Robredo at Senator Risa Hontiveros.

Nagpadala naman ng mga bulaklak sina Nancy Binay, Richard Gordon, Sonny Angara, at JV Ejercito bilang pakikiramay sa pamilya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang mga kaanak ng binatilyo sa nangyari at patuloy na nananawagan ng hustisya ang mga ito para kay Kian.

Iginiit ng pamilya ni Kian na hindi ito drug courier o user at masakit para sa kanila na paratangan ang kanilang anak na nagbabantay lamang ng kanilang tindahan.

Ayon sa ama ni Kian, hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para sa anak. Maging ang ilang mga residente na nakakita sa pangyayari nanindigang hindi nanlaban si Kian sa mga pulis at kitang-kita pa umano sa CCTV na kinakaladkad siya ng mga umano’y pulis na naka sibilyan.

Magugunitang tinanggal na sa puwesto ang tatlong pulis na sangkot sa nasabing operasyon matapos na hindi tumugma ang naging pahayag nila sa ilang mga pahayag ng mga saksi maging ang kuha sa CCTV.

Samantala, sa susunod na linggo inaasahang ililibing si Kian.

 

(Reynante Ponte / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,