Aminado si Department of Agriculture Secretary Manny Piñol na malaking pressure sa kaniya ang isyu ng kakulangan sa suplay ng NFA rice sa bansa.
Ayon sa kalihim, sa pananaw ng pangkaraniwang mamamayan, ang Department of Agriculture ang siyang may mandato dito subalit sakop ito ng National Food Authority na isang ahensya na wala sa ilalim ng DA. Tinanggal sa poder ng kagawaran ang NFA sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sa panayam ng programang Get it Straight with Daniel Razon, sinabi ng kalihim na pinag-iisipan na ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung dapat na bang ibalik ang NFA sa DA.
Ayon kay Piñol, kung mangyayari ito, mas magiging madali na ang pagresolba sa mga problema kaugnay sa pagbebenta, pag-angkat at ang umanoy’ paghalo ng NFA rice sa commercial rice upang maibenta ng mahal.
Tinukoy din ng kalihim ang problema sa pagitan ng NFA at NFA Council dahil hindi magkasundo ang mga opisyal nito.
Bukod sa NFA, nais rin ng kalihim na muling maisailalim sa ahensya ang pangangasiwa sa Fertilizer and Pesticide Authority, National Irrigation Administration at Philippine Coconut Authority.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: DA, Get it Straight with Daniel Razon, NFA