Nasa dalawampu’t siyam na milyong piso ang ipamamahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga poultry raiser mula sa bayan ng San Luis, Pampanga.
Kasama na rin sa mga nabigyan ay ang poultry raisers sa bayan ng Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija bilang bayad sa mga pinatay manok, bibe at pugo.
Ang naturang halaga ay inisyal na bayad lamang sa mga may-ari ng nagkasakit na mga manok at domesticated birds.
Ayon kay Pang. Duterte, dapat paigtingin ang pagsusuri sa mga poultry at poultry products na pumapasok sa bansa upang hindi na maulit ang perwisyong dulot ng Avian flu virus.
Highlight din sa naturang programa ang “boodle fight” kung saan ay pinagsaluhan ang mga putaheng manok tulad ng barbeque at fried duck.
Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Pampanga sa lahat ng tumulong sa kanila upang mapabilis ang kanilang pagbangon mula sa krisis.
Umaasa rin ang mga poultry raiser na makakapagsimula na uli sila ng paghahanap buhay.
(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)