Pamahalaan, tinawag na fake news ang kumakalat na ulat na magkakaroon ng nationwide lockdown mula Dec. 23 – Jan. 3, 2021

by Erika Endraca | December 7, 2020 (Monday) | 8453
Photo Courtesy: PNA

METRO MANILA – Tahasang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na fake news ang ulat na magkakaroon ng nationwide lockdown mula ngayong darating na December 23 – January 3, 2021.

Napaulat na may mga kumakalat na text messages kaugnay nito. Panawagan naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na siya ring co-chairperson ng Inter-agency Task Force kontra Covid-19, alamin ang totoo at wag maniwala sa fake news.

Nanawagan din itong huwag magpakalat ng maling impormasyong ngayong panahon at patuloy na maging responsable sa sarili at sa pamilya. 

Ayon naman sa tagapagsalita ng National Task Force Against Covid-19 retired Major General Restituto Padilla, tiyaking verified ang impormasyon o ulat sa mga katiwa-tiwalang organization.

Wag din aniyang maging instrumento ng maling balita at sa halip ay tumulong sa ating mga kababayan.

Magsa-siyam na buwan na mula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa.

At ngayong buwan ng Disyembre, karamihang bahagi ng Pilipinas ay nasa ilalim na ng Modified General Community Quarantine (MGCQ), ang pinakamaluwag na quarantine restrictions.

Samantalang ang Metro Manila, Davao City, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao Del Sur, Iligan City at Davao Del Norte ay nasa ilalim naman ng General Community Quarantine (GCQ).

Bagaman, mas maluwag ang restrictions ngayon kumpara sa unang bahagi ng pananalasa ng Covid-19 pandemic sa bansa, nananawagan naman ang Duterte Administration na maging maingat sa pagsapit ng holiday season, iwasan ang malalaking pagtitipon, at mahigpit na sundin ang minimum health protocols.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,