Pamahalaan, pinalawig ang pinaiiral na travel restrictions sa India, at iba pang bansa hanggang sa katapusan ng Mayo

by Erika Endraca | May 14, 2021 (Friday) | 9750

METRO MANILA – Pinalawig ng pamahalaan ng pilipinas ang pinaiiral na travel restrictions sa India, Pakistan, Nepal, Bangladesh at Sri Lanka hanggang May 31, ngayong taon.

Bukod dito, pagbabawalan din munang makapasok sa Pilipinas ang lahat ng biyaherong galing sa Oman at United Arab Emirates mula May 15 – May 31, 2021.

Hindi naman nito sakop ang mga pasaherong In-transit na, bago ang naturang period. Bagaman pagdating sa Pilipinas, sasailalim sila sa istriktong quarantine at testing protocols.

Ang Department of Transportation (DOTr) naman ang titiyak na sumusunod ang mga airlines sa direktibang huwag magpasakay ng pasahero sa mga bansang may pinaiiral na travel restrictions ang Pilipinas, liban na lamang kung bahagi ang mga ito ng repatriation efforts ng pamahalaan.

Nagpatupad ng travel restrictions ang Pilipinas bunsod ng double mutant variant na unang natukoy sa India na mas nakahahawa at mas mapanganib.

Tags: ,