Pamahalaan, hinikayat na makiisa sa inaasahang imbestigasyon ng ICC sa war on drugs

by Erika Endraca | June 16, 2021 (Wednesday) | 8068

METRO MANILA – Inihayag ni outgoing International Criminal Court (ICC) Chief Prosecutor Fatou Bensouda na tinapos na nila ang preliminary examination sa war on drugs ng Pilipinas.

At, humiling na rin ito ng pahintulot sa pre-trial chamber ng ICC para sa pormal na imbestigasyon.

Binigyang diin ni Bensouda na makatuwirang paniwalaang may nangyaring krimen laban sa sangkatauhan na pagpatay sa panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte simula 2016.

Iginiit ni Bensouda na bagamat kumalas na ang Pilipinas sa ICC epektibo noong March 17, 2019.

Nananatili aniya ang hurisdiksyon ng ICC sa mga nangyaring krimen sa panahon na kasapi pa nito ang Pilipinas.

Kaugnay nito, naniniwala si Atty. Neri Colmenares, abugado ng complainants sa ICC laban sa presidente na makakamit ang hustisya para sa biktima ng umanoy extrajudicial killings.

“Napakalakas ng ebidensya kasi ang mga complaints na ito may testigo ang pamilya mismo nakita paano pinatay sino ang pumatay, paanong pinatay. Ang isa sa pinakamatibay na ebidensya sa korte ay ang testimonial evidence.” ani NUPL/Counsel for Complainants Atty. Neri Colmenares.

Dagdag pa ni Colmenares, umaasa silang makikipagtulugan ang pamahalaan oras na simulan na ng ICC ang pag-iimbestiga.

“Bagamat natuwa kami na maglunsad na ng investigation siyempre umaasa din yung pamilya na mag-isyu ng warrant of arrest. Alam mo ang anak nila, kapatid nila, tatay nila pinatay ng walang habas e so simple lang ang hinihingi nila sana may kulang naman na konti dito.”ani NUPL/Counsel for Complainants Atty. Neri Colmenares.

Samantala, kinokonsidera naman ng ilang human rights group na welcome development ang hakbang na ito ng ICC.

Ayon sa human rights watch sa pamamagitan ng pag-iimbestiga ng ICC, mananagot ang pangulo hinggil sa kanyang war on drugs.

Samantalang naniniwala ang Human Rights Advocate at Amnesty International Secretary-General na si Agnes Callamard na pagasa ito sa libu-libong pamilya na nawalan ng mahal sa buhay.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,